Mga Rekomendasyon para sa mga Paaralan, Pamilya at Gobyerno para tugunan ang Mental Health
Manunulat: Philip Miguel Mabanta at Iann Lloyd Martinez Editor: Cali Tiffany Delfin
Para sa mga Paaralan:
Siguraduhin at pagbutihin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa paaralan kung saan nararamdaman nila na sila’y ligtas, naririnig, nauunawaan, at pinapahalagahan sa lahat ng panahon.
Upang maiparamdam ang suporta sa mga estudyante, inirerekomenda ng blog na ito ang pagkakaroon ng mga gawain o events na naghihikayat na palakasin ang relasyon ng mga mag-aaral sa isa’t isa, at para na rin mabawasan ang kanilang stress sa pag-aaral.
Isa pang suhestiyon ng naturang blog ay ang pagdaos ng mga seminar na tumatalakay sa mental health — sa tunay nitong kahulugan at kahalagahan ng pagbibigay pansin dito. Kabilang sa mga seminar ang mga hotlines o numerong maaaring tawagan ng mga mag-aaral para humingi ng tulong; kasama rin dito ang mga paraan upang lalo nilang maalagaan ang kanilang mental health.
Higit sa lahat, mahalaga ang pagkakaroon ng paaralan ng mga counseling center na maaaring lapitan ng mga estudyante upang maglabas ng problema o manghingi ng payo. Nang sa gayon, alam nilang may makaiintindi sakanila sa lugar kung saan sila madalas mamalagi — ang kanilang sariling eskwelahan.
Para sa mga Pamilya:
Bilang mga miyembro ng pamilya, makatutulong tayo sa pagbibigay ng suporta sa bawat isa — sa pagiging bukas at maunawain sa mga nararamdaman o nararanasan ng ating mga kapamilya.
Maipapakita natin ang ating suporta sa pamamagitan ng mga simpleng paggawa ng kabutihan. Ang pagtatanong ng “Kumusta ka?” at “Ayos ka lang ba?” ay malaking tulong na kaagad, lalo na’t hindi natin alam ang pinagdadaanan ng mga taong malapit sa atin.
“Walang mukha ang depresyon,” Ika nga nila. Kaya dapat ay palagi tayong magbigay ng konsiderasyon at pasensya sa mga tao, lalo na sa ating mga kapamilya. Sapagkat mamaya, hindi natin alam, marami pala silang problemang hinaharap. At upang makatulong, ang tangi nating magagawa ay ang huwag dumagdag sa bigat na nararamdaman nila sa kanilang mga balikat.
Bukod doon, dapat din nating wakasan ang mga maling paniniwala ukol sa mental health at maging mas bukas sa paksaing ito. Dapat ay patuloy nating tratuhin ang mga taong may problema sakanilang mental health — lalo na ang mga kabataan, nang tama, walang pananakit, at diskriminasyon.
Upang unti-unting malabanan ang mental health diseases, nararapat lamang na ang mga magulang ay umiwas sa pagbibigay ng matataas at ‘di makatotohanang ekspektasyon sa kanilang mga anak. Dapat ay tandaan nilang ang kanilang anak ay isang tao na may puso, may pakiramdam, may emosyon — kaya hindi dapat ito ituring na parang bagay lamang. Bagkus, sila ay dapat asahan o bigyan ng ekspektasyon na angkop sa kanilang kakayahan at edad, upang maiwasan ang stress at pressure pagdating sa pag-aaral.
At hindi natin tuluyang maiintindihan ang nararamdaman ng mga kabataang patuloy na nakikipaglaban sa kanilang problema ukol sa mental health, kung hindi natin pakakawalan ang ideya na ang mental health ay gawa-gawa o kalokohan lamang. Para sa mga nakatatanda, dapat ay maunawaan nilang iba ang kanilang panahon sa panahon ngayon — dapat ay iwasan na nila ang pagkukumpara sa mga karanasan, kung sino ang mas nahirapan o mas mapalad.
Para sa Gobyerno:
Para sa ating gobyerno, maaari silang makatulong sa mga biktima ng mental health diseases sa paraan ng pagbibigay suporta sa mamamayan — maaaring sa pamamagitan ng mga programa at serbisyong naglalayong mapabuti ang kanilang kalagayan.
- Inirerekomenda rin ng blog na ito ang pagtatayo ng gobyerno ng mga libreng pasilidad na maaaring puntahan ng mga mamamayan kung sila’y may nararanasang paghihirap sa kanilang mental health. Magiging malaking tulong ito sapagkat marami ang hindi humihingi ng tulong sa lisensyadong doktor o mga eksperto, dahil sa laki ng kailangan nilang gastusin.
.png)
.png)
.png)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento