Siyentipikong Pagsasaliksik ukol sa pagsubok na Mental Health sa Pilipinas

Awtor at Tagapasaliksik: Allan James H. Dionsay

Editor: Cali Tiffany S. Delfin

Upang tayo ay magkaroon ng mas malalim na pagkakaunawa sa paksa ng blog na ito, halina’t talakayin muna natin kung ano ba talaga ang mental health. 

Ayon sa World Health Organization, ay ang ‘Mental Health’ ay sumasaklaw sa emosyonal at sikolohikal na kalusugan ng isang indibidwal, na nakaiimpluwensya sa kanyang kognisyon, persepsyon, at pag uugali. Ito rin ay mabibigyang kahulugan bilang kapasidad na harapin ang mga pagsubok sa buhay; ang pagkontrol sa emosyon, stress, at damdamin upang magkaroon ng magandang relasyon sa mga kaibigan at pamilya, — matuto, at gumawa ng tamang desisyon sa buhay. 


Ang pagkakaroon ng maayos na mental health ay hindi lamang kung ika’y walang mga mental disorders — bagkus ito ay produkto ng mapayapang paligid, pamilya, kaibigan, at maayos na kalagayan sa buhay.


Subalit, ang bilang ng pasilidad o tao tulad ng mga psychiatric wards at psychiatrists ay lubos na kulang para sa malaking populasyon ng bansang Pilipinas. Base sa artikulo ng Medium, tatlo hanggang limang porsiyento (3-5%) lamang ang nakalaang badyet para sa sektor ng mental health at pitumpung porsiyento (70%) nito ay para pa sa pagsasaayos ng mga pasilidad. Bukod pa rito, dalawa lamang ang naitalang mental hospitals sa buong Pilipinas: Ang National Center for Mental Health sa Mandaluyong at ang Mariveles Mental Hospital sa Bataan; walumpu’t apat (84) na ospital naman sa bansa ang may psychiatric unit. Base sa mga nakalap na impormasyon at datos, dalawang libo at limampu’t isa (2,051) lamang ang mental health professionals sa pribado at pampublikong sektor sa Pilipinas — na siyang hindi magandang balita sapakat nangangahulugan itong kulang na kulang ang ating bansa sa mga propesyonal o eksperto.


Sa kabilang banda, mayroon ding mga pag-aaral na ang COVID-19 pandemic at online classes ay nagpababa ng kalidad ng mental health. Ayon sa pagsasaliksik ng University of the Philippines Population Institute, malaki ang populasyon ng edad labinlima hanggang dalawampu’t apat (15-24) na siyang nakaramdam ng mga sintomas ng depresyon sa taong 2021. Mayroon ding pag-aaral mula sa mga dalubhasa ng Asya na kumpara sa bansang Tsina, ang Pilipinas ay mas malaking populasyon ng mga taong nakaranas ng depresyon, anxiety, at stress noong pandemya. 


Base sa isang pagsisiyasat, pinapakita ng larawang ito na bahagyang mas mataas ang porsiyento ng mga kabataan na nakaranas ng sintomas ng depresyon noong pandemya kaysa noong 2013.
Pinagkunanhttps://www.uppi.upd.edu.ph/news/2022/pinoy-youth-in-worse-mental-health-shape-today  

Ipinakita sa larawan sa itaas na mas mataas ang average na nararamdaman na stress, amxiety, depresyon, at trauma (IES-R) ng mamamayan ng Pilipinas kumpara sa Tsina.

Dahil din sa online learning ay lalong lumaki ang porsyento ng mga estudyanteng nakaranas ng tinatawag na academic burnout. Ayon sa pag aaral ng Cardinal Santos Medical Center, ang online learning, mga responsibilidad sa bahay, kakulangan sa pakikisalamuha sa ibang tao, at makabagong paraan ng pagkatuto ay ilan sa mga salik na nagpataas ng porsyento ng moderate-risk burnout na pitumpu’t dalawang porsiyento (72.8%) at high-risk burnout na dalawampu’t anim na porsiyento (26.8%). Hindi lamang ito limitado sa mga mag aaral, sapagkat lubhang mataas din ang porsyento ng mga Gen Z (Edad 12-27) at Millennials (28-43) na nakararanas ng burnout, anxiety, at stress dahil sa pagtatrabaho. 


Subalit, ano ang naging tugon ng gobyerno laban sa suliranin ng mental health? Ano naman ang pananaw ng karamihan sa mga Pilipino tungkol dito? Ang Mental Health Act ng 2017 ay inilatag noong 2018 upang pagtibayin ang serbisyo ukol sa mental health ng mha mamamayan ng Pilipinas. Ngunit, ayon sa mga eksperto at mananaliksik, kahit ngayon ay lubos na kulang pa rin ang mga mental health facilities and professionals dulot ng kakulangan sa badyet at sapat na sahod para sa mga manggagawa. 


Ayon sa Kobe University sa Japan, dahil sa kultura at nakagisnang paniniwala ng mga Pilipino, nagkakaroon sila ng maling paniniwala at stigma ukol sa Mental Health. Katulad nito ang paniniwala na ang mga problema sa mental health ay problema ng pamilya at posibleng mamana. Dahil din ang Pilipinas ay isang relihiyosong bansa, hindi pa ganap na tanggap ng mga Pilipino — lalo na ng mga matatanda, na ang mental health disease ay hindi bunga ng kawalan ng pananampalataya sa Diyos o kakulangan sa pananalangin. Ito ang rason kung bakit tila isang mahabang pakikibaka ang paghahayag ng tunay damdamin at karanasan ukol sa mental health, lalo na para sa mga kabataan. 


         Sa kabila ng mga pagsubok at diskriminasyon, napakahalaga pa rin para sa ating lahat na alagaan ang ating mental health. Sapagkat ito ang daan patungo sa mas magandang relasyon sa pamilya, kaibigan, at  mga kapwa. Ang mataas na kalidad ng mental health ay mahalaga rin upang tumaas ang produktibidad at maging mas masagana ang ekonomiya ng ating bansa.

Mga Sanggunian:

World Health Organization: WHO. (2022, Hunyo 17). Mental health. https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/mental-health-strengthening-our-response


 Sugarol, M. (2023, Setyembre 12). The current state of mental health in the Philippines. Medium. https://medium.com/mspire-wellness/the-current-state-of-mental-health-in-the-philippines-303841aa825

 

 Pinoy youth in worse mental shape today, nationwide survey indicates. (2022, Octubre 10). UP Population Institute. https://www.uppi.upd.edu.ph/news/2022/pinoy-youth-in-worse-mental-health-shape-today


 Tee, M., Wang, C., Tee, C., Pan, R., Reyes, P. W., Wan, X., Anlacan, J., Tan, Y., Xu, L., Harijanto, C., Kuruchittham, V., Ho, C., & Ho, R. (2021). Impact of the COVID-19 pandemic on physical and mental health in Lower and Upper Middle-Income Asian countries: A comparison between the Philippines and China. Frontiers in Psychiatry, 11. https://doi.org/10.3389/fpsyt.2020.568929


 Asia Pacific Journal of Pediatric and Child Health. (2023, Agosto 15). https://www.apjpch.com/?page=article&number=244&article=


  Addressing the challenge of burnout in the Philippines | Mind you. (2022, Octubre 25). Mind You - Mental Health Systems. https://www.mindyou.com.ph/addressing-the-challenge-of-burnout-in-the-philippines/


 Maravilla, N. M. a. T., & Tan, M. J. T. (2021). Philippine Mental Health Act: Just an Act? A call to look into the bi-directionality of mental health and economy. Frontiers in Psychology, 12. https://doi.org/10.3389/fpsyg.2021.706483


 Tanaka, C., Tuliao, M. T. R., Tanaka, E., Yamashita, T., & Matsuo, H. (2018). A qualitative study on the stigma experienced by people with mental health problems and epilepsy in the Philippines. BMC Psychiatry, 18(1). https://doi.org/10.1186/s12888-018-1902-9


 Plumptre, E. (2024, Mayo 6). The importance of mental health. Verywell Mind. https://www.verywellmind.com/the-importance-of-mental-health-for-wellbeing-5207938





Mga Komento

Kilalang Mga Post