Introduksyon at Panimula Tungkol sa Mental Health


Likha ni: Cali Tiffany Delfin 

     “Noong panahon namin, wala namang mga ganyan, ” Iyan ang katagang madalas nating marinig mula sa mga matatanda kapag nababanggit ang paksang ‘mental health’. Sa tuwing nagkukumpara ang mga may edad na, karaniwang binibigyang diin ang malaking kaibahan sa karanasan nila noon at karanasan ng mga kabataan ngayon. Ayon sa kanilang mga kwento, kung ihahalintulad sa kanilang henerasyon, ang Gen-Z o ang mga taong bahagi ng makabagong panahon, ay higit na walang kapasidad upang harapin ang mga problema sa buhay. At dito nagmula ang mga bansag na “mahina”  at “baliw” — na siyang dahilan kung bakit lalong nagdadalawang-isip ang mga kabataan na magbahagi at manghingi ng tulong sa mga tao sa paligid nila. 


    Taong 2020, noong nagsimula ang pandemya at kinailangang manatili ng mga tao sa kani-kanilang tahanan, lalong dumami ang kaso ng mga taong mayroong problema sakanilang mental health. Marami ang naging biktima ng matinding anxiety at depression, at ibinahagi nila ang kanilang karanasan sa social media. Gayunpaman, dahil bago ang usapang mental health para sa iba, marami ang hindi naniwalang posible ang pagkakaroon ng mental health diseases; Marami ang nagsaad ng kanilang opinyon na ito’y “gawa-gawa” at “nasa ulo” lamang ng mga nakararanas nito. 


     Ngunit, may katotohanan ba sa mga salitang madalas bitawan ng mga matatanda — na lalong humina ang lakas o tapang na loob ng mga tao sa panahon ngayon, kaya’t mas mabilis silang magkaroon ng mga problema ukol sa kanilang mental health? Totoo rin bang nasa imahinasyon lamang ito ng mga tao, kaya’t hindi natin dapat pagtuunan ng pansin? 


     O baka kaya’t patuloy na hindi pinaniniwalaan ng mga nakatatanda ang isyung ito, ay dahil ang mga kaso ng mental health problems ay halos galing sa mga kabataan? 


     Higit sa lahat, nananatili ang katanungang: Kung mayroong sapat na suporta at pang-unawa ang mga Pilipino sa mga kabataang naghihirap dulot ng problema sa mental health, ganito pa rin kaya karami ang mga kaso nito? 


Mga Komento

Kilalang Mga Post